Manggagawang Pinoy: Para Kanino ka Gumigising?

Unang-una aaminin ko ang pamagat na ginamit ko sa blog na ito ay kinopya ko lang nung nag-kuwentuhan kami ng kaibigan ko. Samakatuwid, hindi orihinal na ideya. Kung susubukan mo ngang i-google ang mga katagang ‘to, malamang maraming hits na lalabas. Pero magsusulat pa rin ako patungkol dito kasi nung mga panahong nabigkas nya ang mga salitang ‘to, may dating kaagad sa kin ‘eh..yung tipong mapapatigil ka at mapapa-isip na parang “Oo nga noh, bakit di man lang nasagi sa isip ko yan. Para kanino nga ba ako gumigising? Ano ba ang saysay kung bakit ko ginagawa at gagawin ang mga bagay-bagay?”

Napilitan akong umuwi ng Pinas dalawang buwan na ang nakaraan upang asikasuhin ang aking mga dokumento dahil nawalan na ng bisa ang “visa” ko bilang estudyante sa bansang Inglatera. Yung uwi kong yon, hindi ko maitutring na bakasyon talaga kasi minsan lang ako sa bahay gawa nang kinailangan kong mag-internet at i-check ang aking electronic mails upang mapadali ang aking pagpo-proseso. Sa mga sandaling iyon, naging opisyal na tambayan ko ang isang coffee shop na malapit sa bahay namin dahil bukod sa nakaka-relax ako dun,mura lang ang kape nila at higit sa lahat, libre ang Wi-fi koneksyon. Pwera biro, ang lugar na iyon ang syang saksi sa lahat na emosyon na aking naramdaman habang inaasikaso ko ang bawat papeles na kailangan ko sa pag-aapply ng visa ulit sa Embahada ng Inglatera.

Sa awa ng Diyos, nakamit ko nga ang aking pinaka-aasam na visa. Ang visa na inaasam din ng nakararami. Ang visa na siyang tiket para makapunta sa bansang hinahangad din ng bawat manggagawang pinoy. Ang bansang (hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa) syang pagkakakitaan ko ng pera upang matustusan ang aking sariling ambisyon sa buhay. Pagkatanggap ko ng pasaporte ko na padala mula Maynila, magkahalong saya at lungkot ang dumampi sa aking damdamin. Masaya ako dahil nagbunga ang mga panalangin ko sa Diyos na nawa’y hindi ako magka-problema sa pagpo-proseso nun at malungkot dahil iiwan ko na naman ang bahay namin at ang nakasanayang kaginhawahan.

Sa mga sandaling iyon, hindi pa man alam ng mga magulang ko ang balita tungkol sa aking visa ay pumasok ako sa aking silid, nagkulong, humiga at nag-isip. Malalim na nag-isip. Hawak-hawak ko ang aking pasaporte sabay dampi sa dibdib ko. May naramdaman akong matinding kalungkutan at parang gulung-gulo ang isip ko. Hindi ko maipaliwanag ang sandaling iyon. Siguro ang iba nun- magpapa-lechon, papa-inum. Bagkus, nag-text ako sa aking barkada at sinamahan nya akong uminum ng kape sa dating coffee shop na tinatambayan ko. Oo, ang coffee shop na saksi sa lahat ng pagod ko. Ang kapeng sandalan ko sa mga panahong gusto kong kumalma. Sa panahong wala akong gustong gawin kundi mag-isip lang at tumunganga.

Alam agad ng kaibigan ko na may bumabagabag sa akin at tinanong nya agad ako. “May problema ka noh? Di ba dapat masaya ka?”, hirit ng barkada kong kilalang-kilala na ako. Bigla akong natauhan sa mga katagang binitawan niya. Mga tanong na sa puntong yun di ko pa masagot ng diretso. Tinanong ko siya kung wala ba syang planong mangibang-bansa sabay tango nya at sabing, “wala, para ano? Masaya naman ako dito eh. Okay naman ang trabaho ko dito at mas mataas naman yung kinikita ko kaysa sa average na buwanang income ng isnag karaniwang Juan dela Cruz. Hindi rin naman ako magiging masaya dun, maiiwan ko lang ang pamilya ko. Oo, may pera nga ako, hindi naman masaya”. Sa hangarin kong itago ang nararamdaman kong inis sa mga narinig ko sa kanya, sinagot ko siya na “magiging masaya naman ako dun, kaya nga ako babalik eh kasi nakasanayan ko na ang buhay dun at marami na rin aking kaibigan”. Habang nagmamaneho ako ng kotse pauwi ng bahay, kung anong tulin ng sasakyan ko, sya rin ang bilis ng ikot ng utak ko. Ang realidad na siyang minulat sa akin ng barkada ko. Ang mga salita nya’ng may laman at katuturan. Mga salitang ayaw kong tanggapin at pilit kong iniiwasan. Mga salitang totoo pala, ayaw ko lang tanggapin.

Dumating na ang hudyat ng aking muling pag-alis. Tayong mga pinoy, mahilig tayo sa despedida party di ba? Meron din akong ganun sa kagustuhan ng mga magulang at kamag-anak kong magsaya muna bago man lang ako bumalik dito sa London. Ang saya ko nun. Nandun lahat sila pati ang dalawa kong pamangkin. Napakasaya. Ang kasiyahan na alam kong di lalaon, mapapalitan na ng pagka-sabik. Ang kasiyahang iiwan ko para makamit ang aking mga pinapangarap. Kailangan eh. Sandali lang, kailangan ko nga ba talaga? Ang sandaling inihatid ako sa paliparan papuntang Maynila na dun ko lang nakitang parang basa ang mga mata ng aking ama na pilit niyang tinatago sa amin. Ang sandaling sinandal ng nanay ko ang kanyang ulo sa aking kanang balikat. Wala siyang salitang binigkas pero alam ko malalim yun.

Unang beses ko iyong tumuntong sa NAIA Terminal 1. Grabe ang siksikan sa may entrance, yun pala ang marami dun yung mga sumasabay sa paghatid ng kamag-anak nilang lilipad na. Isa lang ang aalis, andaming makikihatid. Pinoy eh. Ako lang mag-isa nun. Sa mura kong edad, naranasan kong tumayo sa gitna ng NAIA, bitbit ang malaki kong maleta, sa gitna ng napaka-busy na paliparan, kasama ang mga taong lilipad kung saan-saan. Sa mura kong edad, nakita ko sa aking mga mata ang bawat taong nandun dala ang istorya ng kanilang buhay. Sa sandaling iyon, parang umikot ang aking paningin, masyadong maliit ang gusali ng NAIA para pag-lagyan ng mga kwentong abroad. Kung makakapagsalita lang ang mga poste dun at ilaw-dagitab, tiyak luluha sila sa samo’t saring emosyon na kanilang nasaksihan.

Nang ako’y pa check-in na (sa isang malaking komersyal na airline mula Middle East), nasa unahan ko ang isang ale na papuntang Abu Dhabi para maging katulong at nasa likuran ko naman ang isang mama na enhenyero naman dun din sa Middle East. Tinanong ako ng ale kung bakit pagkabata-bata ko pa daw ay mangingibang-bansa na ako. Nagtaka ako kung bakit niya nahulaan na isa akong “OFW”. Hindi man lang niya ako tinanong. Malay niya, pwede naman akong mag-tour lang sa Middle east diba. Sa tanong niyang iyon, wala din akong diretsong sagot. Sabi ko lang, hindi ako papuntang Abu Dhabi, transiting lang ako at ang aking huling destinasyon ay sa London pa. Bigla siyang napanganga sabay sabing “wow! Ang swerte mo totoy, nars ka ba doon?”. Oo, pabulong kong sagot sa kanya.

Dumating na ako sa check-in counter, hinanapan ako ng Overseas Employment Certificate (OEC) dahil lahat daw ng mga manggagawang pinoy na aalis, kailangan nun. Wala ako nun. Makaraan ang limang minuto, napagtanto ko at tinanggap ko na lang sa sarili ko na hindi ako makakaalis sa araw na iyon. Namula ako at parang gusto kong sumigaw dahil tatlong oras na lang lilipad na sana ako ngunit hindi talaga pwede. Nagalit ako sa sarili ko kung bakit hindi ko alam na kailangan pala ng OEC parang pakiramdam ko ang tanga ko. Pakiramdam ko pumalpak ako. Buong buhay ko parang parati akong nagmamadali sa lahat ng bagay. Ang nangyaring iyon, isang pansamantalang paghinto ng aking sariling pag-iisip.

Nung gabing iyon, andaming naglalaro na naman sa aking isipan. Ang mga pangyayari, kung ano pa sana ang pwede kong gawing pagmamaka-awa na baka sakaling pahintulutan akong lumipad kahit wala ang dokumentong iyon at iba pa. Ngunit ang hindi ko maalis-alis sa aking isip ay kung bakit sa pangalawang pagkakataon, may isang tanong na hindi ko masagutan. Bakit ako mangingibang-bansa? Anong plano ko sa buhay sinu-sino ang mga gusto kong tulungan? Para kanino ako gumigising? Mahirap pala ang lumisan na hindi mo man lang matuldukan ang mga haka-hakang ito sa iyong murang isipan. Kailangan pala talaga, umalis ako sa Pinas na buo ang loob at alam ang gagawin. Alam kung para kanino ito. Alam kung makakabuti ba ito. Sadyang kailangan may alam ako. Buhay nga naman palabiro, nung may sagot na ako sa tanong na iyon, saka ko palang nakuha ang aking OEC at naka-set ng bagong petsa ng pag-alis. Gusto ko pala, mag-ipon ng mag-ipon at mag-umpisa ng negosyo sa Pinas, mag-asawa, magka-anak, tulungan ang pamilya at kamag-anak ko at hindi na pabali-balik ng abroad hanggang sa pagtanda. Ayoko ng ganung buhay. Gusto kong may makita man lang ako sa aking pagtatrabaho dito, mapasaya ko ang ibang tao at maging masaya para sa sarili ko. Pakiramdam ko kasi, magiging balewala lahat kung hindi ako mag-uumpisa ng sariling kong pamilya. Ngayon, kung tatanungin mo ako, yan ang isasagot ko!

Sa buhay natin kaibigan, kailangan pala may rason lahat. Alam ko meron naman talaga eh, ngunit mag-isip tayo ng mas practical na plano at hindi yung payak lang na produkto ng ating imahinasyon. Minsan, masarap ang mangarap at managinip ngunit hindi hanggang doon lang. Kailangan nating magising sa katotohanan na hindi tayo nabubuhay para sa sarili lang natin. Mahirap at lalong delikado ang gumising tayo bawat araw na hindi alam kung ano ang gagawin at hindi natin masagutan ang isang simpleng tanong kung bakit tayo galaw ng galaw upang mabuhay. Alamin natin kung para saan ang mga ‘to at higit sa lahat kung para kanino tayo gumigising.

Sa awa ng Diyos andito at nakabalik na ako ngayon sa London. Unang beses ko itong magsulat sa tagalog at halatang pilit na pilit. Habang sinusulat ko ito, nakatulong ang amoy ng iniinom kong kape. Parang kailan lang andito na pala talaga ako ulit. May plano na, alam kung para kanino ang mga ito, ‘eto nag-iisip-isip pa rin dito sa aking kwarto na umiinon ng kape at nag-eenjoy sa free Wi-fi.

Advertisements

3 responses to “Manggagawang Pinoy: Para Kanino ka Gumigising?

  1. Keep writing. I haven’t been able to answer that question, maybe that’s why, though I tried hard, it didn’t work out like how I imagined it.

  2. Touching story. What’s the name of that coffee shop you frequented to? 🙂

    Keep on keeping, my friend. You’re still young and got tens of years ahead of you.

    (Epic fail for writing this in English. Tagalog is just…impossible for me. LOL)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s